Kaulayaw sa Panaginip

Tila kay haba ng araw
Gustong hilahin ang oras
Upang maging takip silim
At hihimlay
Para muli
Kita ay makaulayaw
Sa panaginip.

9 Agosto 2018
9:05am; CDO

Advertisements

Saklolo

Kailangan ko si PN
Upang ako ay tubusin
At bawiin
Sa kinsasadlakan
Kuko ng kalungkutan.

Kailangan ibabad ang sarili
Sa kanyang mga salita
Umaasang ito
Ay huhugas
Sa pusong nababalot
Ng luha at pighati.

Kailangan ko ang mga titik
Ng kanyang mga tula
Nagpipinta ng mga masalimuot
Ng mga araw araw na karanasan
Maging kabiguan at kasawian ng puso
Lalo na init ng mga pakikibaka
At magpakalulong dito.

Nais ko na balutin nito
Ng buong buo
Payapain ang balisang puso
At iduyan sa mga berso at ritmo
Hanggang mahimbing
Upang sa pagising
Maayos na muli
Itong mundo.

8 Agosto 2018
CDO; 8:51PM

Mga Muni-Muni sa Bendum 2

Salamat at nasilayan
Di lamang iisang tala
Kundi di mabilang na kislap
Muli ngiti sa aking labi
Inyong hatid

Salamat at hapdi at lungkot
Dati nadarama
Kahit paano ay napapawi
Kahit nga patlang lamang ang nadarama

Inaaninag sa kalangitan
Ang bituin
May konting lungkot
Dahil di na kilala
Nitong nilalang na dating kaulayaw

Pero alam ko, ika’y andiyan
Patuloy na kumikislap
Kasama ng ibang libong mga tala
Di man kita makilala muli
Pero may saya pa rin na dulot
Nitong pusong nangungulila

Parang nanumbalik
Ang dating bulong…
Sana kaisa ng aking kaluluwa
Saan man siya naroon
Siya ay nasa mabuting kalagayan
Ang aming landas kaya ay magtatagpo…?
O di kaya’y nakatadhana
Kami ay magkaiba ang landas…?

Sana nakasulat sa mga pahina ng tala ng buhay
Pagtatagpo at pag-iisa
Kundi man ito mangyari
Sana bawat isa ay maging makabuluhan
Ang buhay dito sa mundong ibabaw…

8 Hulyo 2016
Bendum, Bukidnon

Mga muni-muni sa Bendum 1

Sana mabaon ko
Ang huni ng mga kuliglig
Ang liwanag ng mga alitaptap

Sana maulinigan muli
Kahit bulong ng mga ito
At madama init
Dala ng mga kulisap na maririkit

Subalit nanganganib
Mga kaibigang maliliit
Habang mundo’y umiinit.

8 Hulyo 2016
Bendum, Bukidnon

Sa Apat na Sulok

Ngayong gabi
Dito sa apat na sulok
Ito ang kabuuan ng ating mundo
Sa piling ng makukulay na obra
At mga talinghaga
Gising ang kamalayan
Maging ang pandama
Kinikilala ang isa’t isa
Inaarok ang nadarama
Sa mapusyaw na ilaw
At nakakahipnotismong patak ng ulan
Maging hanging pilit makikiisa
Sa apat na sulok
Ibinahagi
Mga dalamhati
Alalahani’t mga kaba
Mga saya at tuwa
Maliliit na tagumpay
Sa mga pakikibaka
Kapwa nag alay ng dalangin
Sana bawa’t isa
Babantayan at pagpalain
Mapagkalingang kamay
Ng sansinukob.
Sa panandaliang pag-iisa
Ng damdamin at kamalayan
Pansamantalang idinugtong
Mga landas na di tahasang nagtatagpo
Kahit nga patutunguhan ay maaring iisa
Sa apat na sulok
Panatag
Nahimlay sa bisig ng bawat isa
Nakahanap ng kakampi at kasama
Sa mga bulong at haplos

Sa mahihigpit na yakap.
Maging hawak ng mga kamay.
Ito’y ipinapaabot.
Subalit,
Dito sa apat na sulok
Mundo’y manatili
Katulad ng magandang panaginip.
Kahit na gustuhing muling mahimbing
At panaginip ay balikan.
Ito’y di na mahagilap.
10:30ng umaga
5 ng Agosto 2018
Bayan ng Pagadian

Panandaliang mga Sandali

Magkaibang mundo
Ngunit magkatulad
Isang masalimuot
Isang makulay

Nagsasalita mga bibig
Maging mga titig
Ilang sandali
Pilit binubuhos
Saya,pait, luha
Mga nais
At pangamba

Pinipigilan
Kamay ng oras
Pansamantala itigil
Upang pagsaluhan
Sandali ng pagkikilala

Diyatat
Di madudugtungan
Dahil dala ng pagluwal
ng bukang liwayway
Ang katotohanan
Kapwa may tali
Di makaalpas.

Ninais na huwag humulagpos
Kukuyumin sa mga palad
At sa puso ibibilanggo
Ngunit sadyang may mga bagay
Darating ng kusa
At kusang umaalis
Katulad ng hangin
At along bumibista sa dalampasigan

Ahh, nais magtanong
Sa sansinukob
Bakit hinayaang magtagpo.
ang masalimuot at makulay
Gayong ito’y di maaring mag-ugnay…

21 Hulyo 2018
Kalakhang Maynila